Thursday, September 17, 2015

Testimonial of Mahal Kwan to The Holy and Sacred Almighty God Our Father

September 7, 2015. Nilagnat si Ellie pasado alas-12 ng tanghali at inisip kong dahil lang yun sa pag-ngingipin nya. Bago mag-alas-10 ng gabi nakahiga na sya, nakainom na ng gatas at kakatapos ko lamang sya kwentuhan nang makatulog na sya. Nagdasal ako para sa paggaling ni Ellie. Kinakantahan ko sya habang hinihimas ang buhok nya para humimbing ang tulog nya.

Nahiga na ako nang biglang kinumbulsyon si Ellie. Nakita ko sa loob lamang ng ilang segundo kung paano sya napaupo, nanigas, tumirik ang mata, nangitim ang balat at nawalan ng malay. Inakap ko sya at dali-daling lumabas ng kwarto. Pinuntahan ko si Mama at ang nasabi ko lamang ay, "Mama, si Ellie..." habang humahagulgol.

Isa yon sa posibleng kinakatakutan ng bawat ina - ang mala-bangkay na anak sa kanyang mga kamay. Tumakbo kaming lahat sa altar, kumuha ng tubig, nagsindi ng kandila at nagdasal. Noong gabing yon, nagdasal ako ng parang walang bukas. Nagdasal ako ng masasabi kong pinakataimtim at galing sa puso kong dasal sa tanang buhay ko - umiiyak, nagsisisi, humihingi ng tawad at nagmamakaawa. Ang nasa isip ko lamang nung mga sandaling iyon ay ialay si Ellie sa Diyos na Amang Makapangyarihan sa lahat.

Hindi ko maipaliwanag ang sakit na naramdam ko noon - na makita ang pamilya kong nag-iiyakan at nagdadasal at ang kondisyon ng pinakamamahal kong anak. Kinrusan ni Mama si Ellie ng dinasalang tubig sa buong katawan at pinatakan sa labi. Kung gaano kabilis nag-iba ang itsura nya, ganun din kabilis nanumbalik ang kulay nya at malay. Umiyak sya at pinawisan. At hanggang ngayon ay di ko pa rin maipaliwanag ang apaw-apaw na tuwa at pasasalamat na nadama ko noong gabing iyon.

Alam ako at napag-aralan ko sa paaralan kung ano ang tinatawag na febrile convulsion - kung bakit, kelan at paano ito nangyayari. Hindi ko binigyan si Ellie ng kung anumang gamot o dinala sya sa ospital para malunasan. Pero masaya, nagpapasalamat at ipinagmamalaki ko ang naging desisyon ko nung gabing yon - kung kanino ko sya ipinaubaya at yun ay walang iba kundi sa nagkaloob din sa kanya sa akin.

Lahat tayo ay susubukin hanggat tayo'y nabubuhay dito sa mundong-ibabaw, di lamang naten alam kung ano, kailan at paano. Ang pangyayaring yon ay tunay na pagsubok sa aking paniniwala at pananalig - kung kanino ako dumudulog, ano ang aking gagawin, at paano ko haharapin ang isang pagsubok. Minsan, bumabalik-balik parin sakin ang pangyayari nang parang isang bangungot. May ilang araw at gabi din na ayokong kumurap o matulog dahil sa pagbabantay lamang kay Ellie. Naiiyak parin ako sa labis na tuwa at pasasalamat sa isang milagro na di ko makakalimutan kailanman. Ipinagdadasal ko na sana walang sinuman ang subukin sa ganoong paraan at walang sinuman ang makaranas ng sadyang nakakatakot, makadurog-puso at traumatikong karanasan.

Napakarami kong napagtanto nang gabing yon:

- Na wala akong kontrol o pag-aari sa mundo o habang-buhay na ito. Walang sinuman ang mabubuhay ng walang hanggan dito sa mundo. Lahat ay pansamantala o hiram lamang, kabilang dun si Ellie. Kaya't matuto dapat magpahalaga sa mga bagay na talagang mas importante.

- Na kung gaano ka-makapangyarihan ang dasal, paniniwala at pananalig. At kailangan ito ay buong-buo. Walang takot o pag-aalinlangan.

- Na kung paano ako naging bilang isang tao - makasalanan at labis na makasarili. Hindi ako perpekto pero ipinangako kong pagsisikapan kong maging isang mabuting tao, ina, anak at tagasunod ng Ama.

- Na kung gaano ako kaswerte sa dami ng biyayang dumating sa buhay ko pero wala ako ginawa para sa nagbigay ng lahat ng ito sakin. Sana ang maliit na paraan kong ito ng pagtetestimonya ay maging panimula ng pagtulong sa misyon ng Ama upang magbigay inspirasyon at makahikayat sa pagbabalik-loob sa Kanya.

- At higit sa lahat, na kung gaano kadakila ang Banal at Sagrado nating Amang Pinakamakapangyarihan sa lahat - ang nag-iisa at bukod-tangi nating dapat bigyan ng lahat ng kaluwalhatian, papuri at pasasalamat dahil Siya lamang ang nag-iisa at bukod-tanging tagapaglikha at manggagamot. Lahat-lahat, mapa-tao man o bagay, ay mga likha nya lamang.

Ako, si Ellie at ang pamilya ko ay Kanya.

Mahal Kwan

0 comments :

Post a Comment